Gawad Komisyon 2008 sa Pagsulat ng Tula at Maikling Kuwento Sa Wikang Pangasinan

Ang Gawad Komisyon 2008 sa pagsulat ng tula at maikling kuwento sa wikang Pangasinan ay idinaraos bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ang timpalak ay pangangasiwaan ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino na nakabase sa Pangasinan State University, Bayambang Campus, Bayambang, Pangasinan sa pagpatnubay ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga gantimpala naman ay sasagutin ng Don Jose De Guzman Tamayo Foundation na nakabase sa Perpetual Help College, Malasiqui, Pangasinan.

Mga Panlahat na Tuntunin:

• Bukas ang timpalak sa lahat ng mamamayang Pilipino maliban sa mga pinuno at kawani ng Komisyon sa Wikang Filipino, Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino, Don Jose Tamayo Foundation at sa mga nanalo ng unang gantimpala sa Gawad Komisyon 2006 at 2007.

• Ang lahok ay kailangang orihinal, hindi pa naisasali sa ibang timpalak at hindi pa rin nailalathala. Hindi rin tatanggapin ang mga lahok na recycled lamang.

• Ang lahok ay hindi dapat magtataglay ng anumang pagkakakilanlan kahit sagisag panulat. May hiwalay na pormularyo na makukuha sa tanggapan ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino. Ang sinagutang pormularyo sa paglahok kasama ang resume/ biodata ng kalahok ay dapat nakapaloob sa saradong sobre. Kailangang nakanotaryo ang nabanggit na pormularyo.

• Para sa tula:

1. Sukat at tugma: Maaaring may sukat at tugma, maaaring malaya.
2. Haba: Hindi kukulangin sa isandaang (100) linya ngunit hindi hihigit sa tatlong daang (300) linya.
3. Paksa: Malaya ang paksa.

• Para sa maikling kuwento:

1. Haba: Hindi kukulangin sa sampung (10) pahina ngunit hindi hihigit sa tatlumpong (30) pahina.
2. Paksa: Malaya ang paksa.

• Ang lahok ay kailangang makinilyado o kumpyuterisado (Font 12-Arial), may 2 o dobleng espasyo (maikling kuwento) sa bond paper na may sukat sa 8 ½ x 11, at palugit na 1 pulgada sa itaas, ibaba, at sa magkabilang gilid. Dapat na may taglay na sunud-sunod na bilang ng pahina sa sentrong ibaba ng bawat pahina gaya ng 1 ng 20, 2 ng 20, at iba pa.

• Kailangang magsumite ng apat (4) na kopya – isang orihinal at tatlo (3) pang kopya at isang electronic file (diskette copy o CD) ng lahok na kompyuterisado.

• Isang lahok lamang ang maaaring isumite sa bawat kategorya.

• Ang mga gantimpala sa bawat kategorya ay gaya ng sumusunod:

Unang Gantimpala Php 15,000 + Sertipiko
Pangalawang Gantimpala Php 10,000 + Sertipiko
Pangatlong Gantimpala Php 8,000 + Sertipiko
Tatlong (3) Karangalang banggit Php 2,000 + Sertipiko

• Lahat ng kalahok sa timpalak ay tatanggap ng KATUNAYAN NG PAGLAHOK sa araw na isumite ang lahok.

• Ang pasya ng inampalan ay pangwakas at di maipaghahabol. Ang lahat ng nagwaging lahok ay magiging pag-aari at nasa pag-iingat ng KWF. Angkin ng KWF ang karapatan sa unang paglalathala sa mga lahok at muling paglalathala nito kung kinakailangan, na walang royalty ang may-akda. Ang mga di nagwaging lahok ay maaaring hingin ng may-akda pagkaraan ng apat (4) na buwan matapos maipahayag ang mga nagwagi.

• Ang lahok ay maaaring ipadala o dalhin nang personal sa tanggapan ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino, Pangasinan State University, Bayambang Campus c/o Mary Ann C. Macaranas (numero bilang 09205971505 at email address: annmacaranas@yahoo.com.ph) Ang huling araw ng pagsumite ng mga lahok ay sa Setyembre 30, 2008, ika-5:00 ng hapon.

Comments

Popular posts from this blog

A Pangasinan Christmas Carol : Galikin odino Aligando (Gift)

About | Santiago Villafania