Tangway at Tagaytay, tinatahak

Taong 2010 ang pinakamakabuluhang taon sa kasalukuyang kasaysayan ng panitikang Kabitenyo. Ilulunsad ng Cavite Young Writers Association, Inc. (CYWA) ang Tangway at Tagaytay, isang kalipunan ng akda ng mga batang manunulat na isinilang, nagmula, o di kaya ay naninirahan ngayon sa lalawigan.

Ang pangalan ng kalipunan na Tangway at Tagaytay ay mula sa dalawang bayang nagsisilbing bakood sa magkabilang dulo ng buong lalawigan ng Cavite. Ayon kay Alessandra Rose Miguel, kasapi ng CYWA at isa sa mga patnugot, “in the old Spanish era, the land mass was referred to as “Tangway,” roughly translated in English as peninsula.” Samantalang ang Tagaytay naman ang siyang pinakamataas na bahagi ng lalawigan. Tulad ng kahulugan ng pangalan, nangangarap na maging komprehensibo rin pagdating sa saklaw na mga manunulat at paksa ng mga akda ang kalipunan.

Sa pamumuno ni Efren R. Abueg, ang proyektong aklat ay nagsimula noong 2003. Agad itong binuno at binuo upang tumugon sa mga pagbabago sa sining at kultura ng lalawigang hitik din sa mga makasaysayang pangyayari. Isa sa ipinagmamalaki ng proyektong aklat ay ang maging lunan at lunsaran ng panitikang mula at para sa lalawigan partikular na nga sa Cavite.

Hangad ng Tangway at Tagaytay na makatulong sa pagdidiin sa halaga ng pagsulat mula sa punto de bista ng “tagaloob” o sa ganitong kaso, ng tubong Cavite at ng mga indibidwal na piniling manahan dito. Ayon pa kay Miguel mula sa isinulat niyang pambungad ng aklat, “the anthology, however, wishes to simply illustrate Cavite from the eyes of its inhabitants.

Naniniwala ang mga nagtaguyod ng Tangway at Tagaytay na ito ay magdudulot ng mas masigla pang pag-aaral sa sining at kultura ng lalawigan. Sa pamamagitan ng mga ito ay magiging mas malaki at makabuluhan ang ambag ng Cavite sa pagbuo ng pambansang kasaysayan at panitikan.

Itinatampok sa aklat ang mga likha nina Jose Marte Abueg, Mesandel Arguelles, Nestor Barco, Jimmuel Naval, Axel Pinpin, Joel Toledo, Jose Victor Torres, Santiago Villafania, at iba pang mga batang manunulat ng Cavite, ang mga propesyunal at baguhan, lalaki at babae, nakapag-aral at iyong walang pormal na edukasyon. May bahagi itong magsasalaysay ng kasaysayan ng panitikang Cavite, iyong mula sa panahon ng pananakop tulad ng makatang pari na nagsulat sa wikang Cantonese noong ikalabing-anim na siglo at hanggang sa kasalukuyan tulad ng ilang kasapi ng CYWA.

Ito ang kauna-unahang gawaing pampanitikan na pinondohan ng kasalukuyang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Gobernador Erineo Maliksi. Ayon pa kay Maria Pamela Maranca, kasapi ng CYWA at isa rin sa mga patnugot, nakatakdang makatanggap ng mga sipi ang mga paaralan ng lalawigan.

Kaya’t abangan, dahil ngayong 2010, ang mula sa Kabitenyo ay para sa Kabitenyo lalong lalo na sa larangan ng malikhaing pagsulat at panitikan.

Source: Patindig-Araw, the Official Newsletter of the Cavite Young Writers Association, (CYWA) Inc.

Comments

Popular posts from this blog

A Pangasinan Christmas Carol : Galikin odino Aligando (Gift)

About | Santiago Villafania